Difference between revisions 15327 and 17914 on tlwikibooks

__NOTOC__
                Pumapasok na nga noon sa lawa ang bapor at tunay na napakaringal ang tanawing
tumambad sa kanilang paningin. Humanga ang lahat. Sa harap, nakalatag ang kaakitakit
na lawa, naliligid ng luntiang pampangin at asul na bundok, kahawig ng isang
napakalaking salamin na may kuwadrong esmeralda at sapiro upang masalaminan ng
langit.

Sa kanan, nakalatag ang mahabang pampangin, lumilikha ng mga look na may
kaaya-ayang kurba. At doon sa malayo, may kalabuan ang kawit ng Sugnay. Sa dakong
likuran ng harap, maharlikang nakatindig ang Makiling, mahirap limutin, napuputungan
ng maninipis na ulap. At sa kaliwa, ang pulo ng Talim, ang Susong Dalaga na may
malalambot na kunday at nagpapatunay sa pangalan nito.
Isang sariwang simoy ang buong tamis na kumulot sa malawak na mukha ng lawa.
“Siya nga pala, Kapitan,” ani Ben Zayb na lumingon, “alam ba ninyo kung sang
dako ng lawa namatay ang isang nagngangalang Guevarra, Navarra o Ibarra?”
Tumingin ang lahat sa Kapitan maliban kay Simoun na bumaling sa ibang dako
upang hanapin ang kung ano sa pampangin.
“Oo nga!” ani Donya Victorina. “Saan Kapitan? May Naiwan bang palatandaan sa
tubig?”
Ilang ulit kumindat ang butihing ginoo, bilang patunay ng kaniyang pagkaligalig .
Ngunit nang makita niya ang samo sa mga mata ng lahat, lumapit nang ilang hakbang
sa dulo ng bapor at sinuri ang pampangin.
“Tumingin kayo doon,” aniya sa tinig na halos hindi marinig pagkatapos matiyak
na walang ibang tao sa malapit. “Sang-ayon sa kabo na namahala sa pagtugis, nang
makita ni Ibarra na mapipikot siya, tumalon siya mula sa bangka doon sa malapit sa
kinabutasan at, sumisid nang sumisid sa gitna ng dalawang tubig, tinawid ang distansiyang
mahigit dalawang milya, at sinasalubong ng punglo tuwing lilitaw ang ulo upang
huminga. Sa banda pa roon siya nawala sa kanilang paningin at sa malayo-layo pa,
malapit sa pampang may nakita silang tila kulay dugo…At iyon na nga! Labintatlong
taon na ngayon, walang labis walang kulang nang maganap ito.”
“Samakatwid, ang kaniyang bangkay?…” Tanong ni Ben Zayb
“Ay kapiling na ng bangkay ng kaniyang ama,” tugon ni Padre Sibyla. Hindi ba’t isa
rin itong filibustero, Padre Salvi?”

“Napakamurang mga libing, hindi po ba, Padre Camorra?” tanong ni Ben Zayb.
Lagi kong sinasabi na isang filibustero ang ayaw magbayad para sa mariringal na
libing,” sagot ng tinukoy habang tumatawa nang buong saya.
“Pero, ano ang nangyayari sa inyo, Senyor Simoun?” Tanong ni Ben Zayb, nang
mapansing walang tinag at buong lalim na nagninilay ang alahero.
“Nahihilo ba kayo, kayo na isang biyahero! At sa sampatak na tubig tulad nito?”
“Ang masasabi ko sa inyo,” wika ng Kapitan na tinubuan na ng pagmamahal sa pook
na iyon. “Huwag ninyo itong tawaging sampatak na tubig. Higit na malaki ito kaysa alinmang
lawa sa Suiza at malaki pa kahit pagsamahin ang lahat ng lawa sa Espanya. Marami
na akong nakitang matandang marino na nalula dito.”==Buod==
Dinatnan ni Padre Florentino na nagtatawanan na ang nangasa kubyerta. Nagdaraingan ang mga prayle sa pagkamulat ng mga Pilipino at pag-uusig sa mga bayarin sa simbahan. Dumating si Simoun. Sayang daw at di nakita ni Simoun ang mga dinaanan ng bapor. Kung wala raw alamat ay walang kuwenta sa kanya ang alinmang pook ayon kay Simoun. Isinalaysay ng kapitan ang alamat ng Malapad-na-bato. Ito raw ay banal sa mga katutubo noong una bilang tahanan ng mga espiritu. Nang panahanan daw ng mga tulisan ay nawala ang takot sa espiritu, nasalin sa mga tulisan.

Sinabi ng Kapitan na may isa pang alamat na ukol kay Donya Geronima. Si Padre Florentino ang nahingang magkuwento. May magkasintahan daw sa Espanya. Naging arsobispo sa Maynila ang lalaki. Nagbabalatkayo ang babae. Naparito at hinihiling sa arsobispo na sundin nito ang pangako pakasal sila. Iba ang naisip ng arsobispo. Itinira ang babae sa isang yungib na malapit sa Ilog Pasig.

Nagandahan si Ben Zayb sa alamat. Nainggit si Donya Victorina na ibig ding manirahan sa kuweba. Tinanong ni Simoun si Padre Salvi. Sa inyong palagay, hindi ba higit na mainam ay ilagay sa isang beateryo tulad ni Sta. Clara? Hindi raw siya makakahatol sa mga ginawa ng isang arsobispo, ayon kay padre Salvi. At upang mabago ang paksa ay isinalaysay ang alamat ni San Nicolas na nagligtas sa isang Intsik sa pagkamatay sa mga buwayang naging bato nang dasalan ng intsik ang santo.

Nang datnan nila ang lawa ay nagtanong si Ben Zayb sa Kapitan kung saan sa lawa napatay ang isang Guevarra, Navarra o Ibarra.

Itinuro ng Kapitan. Naghanap si Donya Victorina ng bakas ng pagkamatay ng tubig labingtatalong taon matapos mangyari iyon. Nakasama raw ng ama ang bangkay ng anak, ani Padre Sibyla. Iyon daw ang pinakamurang libing, ayon kay Ben Zayb. Nagtawanan ng iba! Si Simoun ay namumutla at walang kibo. Ipinalagay ng Kapitan na si Simoun ay nahilo dahil sa paglalakabay.

[[Category: El Filibusterismo|03]]